Tunay Na Dakila

By Rev. Vic Vergara
E-mail: viverg@yahoo.com

Mark 9:30 - 37

Nais kong dalhin sa inyo ang tungkol sa isyu ng kadakilaan. Ang mga disipulo ni Hesus ay nagtatalo-talo kung sino ang pinakadakila sa kanila. Ano nga ba ang kahulugan ng pagiging dakila o sikat o tanyag? Kapag pinag-uusapan natin ang tungkol sa sikat ana tao, katulad sa palakasan ay mas kilala si Michael Jordan ng NBA. Sa Olympic na lang ay di mabilang na ang naging dakilang manlalaro. Kaya kapag pinag-uusapang natin ang kadakilaan sumasagi sa ating isip ang kompetisyon kung ang isa ay mas magaling sa iba. Katulad ng magaling na mang-aawit, magaling sa klase, magaling na atleta, magaling na doktor, magaling na mangangalakal.

Nasa panahon tayo na ang tao ay naghahangad sa tugatog ng parangal. Ngunit ano nga ba ang maging dakila? Si Hesus at ang mga alagad ay naglalakad patungong Capernaum. Sinalita ni Hesus ang patungkol sa kanyang paghihirap, "Ang anak ng tao ay ipagkakanulo, ipapako sa krus at mamamatay." Ngunit hindi maunawaan ito ng kanyang mga disipulo at walang nagtatanong sa kanila. Natural dahil hindi sila interesado sa mga sinasabi ni Hesus dahil ang laman ng kanilang isipan ay kung sino sa kanila ang mas una sa lahat o higit sa kaniman. Ang kahirapan at kamatayan ay hindi ang ponto ng pagsunod nila kay Hesus. Sa totoo lang nagkaroon na sila ng pagtatalo kung sino sa kanila ang mas Dakila, mas sikat, may karisma at pinakamagaling sa grupo.

Sabi nila, " kung si Hesus ay naluklok na bilang hari, sino ang vice-messiah? sino ang punong hustisya ng sanhedrin? sino ang sekretaryo ng kaharian? Katulad na katulad din sa panahon din natin ngayon. Sino kaya sa atin ang no. 1 ang mas magaling, ang higit na dapat manguna.

Nang dumating na sila sa kanilang pupuntahan, tinanong sila ni Hesus tungkol sa kung ano ang kanilang pinag-uusapan Muli nanahimik ang mga alagad. Nagkatinginan sila sa isat' isa at parang nagkakaunawaan na walang magsasalita dahil nakakahiya sa ating Panginoon. Bakit? dahil habang si Hesus ay nagsasalita tungkol sa kangyang paghihirap at kamatayan ang mga alagad naman ay abala sa eleksiyon kung sino ang tatanghaling una. Ngunit kahit walang nagsasalita ay alam ni Hesus ang laman ng kanilang mga pag-iisip. Para silang nagulat sa tanong ng Panginoon at para silang mga batang nahuli na kumakain ng tsokolate at ginulat ng magulang, " Huli ka!"

Binuhat ni Hesus ang maliit na bata. Sa panahon natin ngayon ito'y normal na panoorin. Sa ngayon ang mga bata ay may universal right na. Ngunit sa panahon ng Panginoong Hesus ang mga bata ay itinuturing na hindi pa ganap na tao at walang halaga. Ayon sa kasaysayan, noong panahon ni Joel Marcus ang pag-iwan ng bagong silang na sanggol ay normal. Isa itong paraan ng birth control. Kung may kumuha man ng bata ito ay ang mag-asawang baog o kaya ay ibang tao na ang intensiyon ay gawin alipin paglaki. Wala man lang legal rights ang bata kung ampon o hindi. Ito ang panahon ng mga alagad. Kaya nagulat sila ng kargahin ng Panginoon ang bata. Para sa kanila si Hesus ay gumagawa ng malaking eskandalo sa publiko. Pinahahalagahan niya ang mga batang walang halaga sa mundo.

Ipinakita ni Hesus ang pagmamalasakit at pagmamahal sa isang bata na pinabayaan ng lipunan at tahanan. Ito ay paglalarawan ng pag-ampon ng kaharian ng Diyos sa mga batang pinakamaliit o walang halaga sa paningin ng tao. Kung ating iuugnay sa ating kalagayan bilang tao, dahil sa kasalanan, ang tao ay nahiwalay sa Diyos at nawalan ng halaga. Ayon sa Roma 3:23 "lahat ay nagkasala at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos." Ngunit bionigyang pansin ng Diyos ang tao. Mahal ng Diyos ang tao at nais niyang maibalik ito sa kawalang relasyon. Ganon ang kanyang paglalarawan sa mga batang walang kaugnayan sa pamayanan. Kaya ang sinomang lumapit kay Hesus ay binigyan ng pagkakataong mapabilang sa kaharian ng Diyos. Anoman ang ating kalagayan, mahirap man o mayaman, tayong lahat ay nangangailangan ng manunubos para sa ating kaligtasan.

Ipinakikita din dito ang tamang pagtrato sa mga bata. Ano ang kalagayan ng mga bata sa panahon natin ngayon? Ang sosyedad ay parang bumabalik sa panahon ng mga apostol. Ilang mga bata ang nababalitaan natin na inaabuso ng kanilang sariling ama o kamag-anak. Minamaltrato at pinababayaan. Ilang mga bata ang nasa tiyan pa lamang ay pilit na pinalalaglag ng ina, masahol pa sa pag-iwan ng bagong silang na sanggol. Ilang mga kabataan ang pinagtratrabaho ng magulang habang sila ay nagsusugal at nag-iinom. Ilang mga Iglesya ang wala man lamang ministeryo sa mga bata. May Iglesyang kapag tinanong mo kung ilan ang miyembro ay hindi isinasama sa bilang ang mga bata. Para bang ang marunong lang magkaloob ang itinuturing na mga miyembro.

Sa lumang sibilisasyon ang mga bata ay walang sinabi. Kaya ang pagtanaw ng malaking importansiya sa mga bata ay isang malaking iskandalo. Ngunit sinabi ni Hesus na ang misyon ng Iglesya ay pangalagaan ang mga bata, mga kapuspalad. Kaya nga ang unang Iglesya ay nalagay sa alanganin dahil sa unang misyon na tulungan ang mga sugatan, ang mahihirap, ang agaw-buhay, ang mga di kilala sa lipunan o outcasts.

Bilang cristiano tayo po ay totoong salungat sa agos ng mundo. Sa pagbuhat ni Hesus ng maliit na bata, nais niyang bigyan tayo ng mensaheng ang Diyos ay nais ng pusong maawain. Ang tanggapin ang mga hindi matanggap ng tao ay pagtanggap sa Diyos. Tayo ba'y nagkakatipon para lamang tayo makilala o mapili na pinakamagaling o tayo ay nagkakatipon para mapag-usapan kung ano ang maitutulong natin sa iba. Kung saan tayo hahayo o kung anong ministeryo ang dapat nating abutin. Maraming meeting ang nagaganap sa Iglesya at ang pinaguusapan ay kung papalitan na si Pastor ng mas matuwid o mas babagay sa kapakanan ng Iglesya, dahil si pastor ay nalagay sa alanganin at ikinahihiya na. Maraming mga meeting ang ginagawa upang pag-usapan lang ang mga gawain patungkol sa "outing", "fellowship" o programa para sa revival at wala man lang programa para abutin ang mga nasa Hospital, nasa kulungan, nasa mga orphanage o probinsiya. Bakit laging may revival na nagaganap? Dahil madaling matuyuan ang Iglesya, sapagkat ang mga programa ay para sa pagpaparangal ng bawat magaling at matapat na miyembro ngunit wala man lang persecution na nagaganap dahil walang paghayo. Kung hindi ka magbabahagi ng Ebanghelyo at puro na lang kayo-kayo ang nasa Iglesya ay matutuyuan ka dahil nagpapagalingan na lang ng mensahe at ambag sa Iglesya at kapag naiwanan o natisod ay biglang manlalamig. Ngunit kung ikaw ay hahayo para kay Cristo ay lagi kang malakas dahil sa mga bunga mo sa Panginoon.

Ang pagiging dakila ay hindi lamang ang manalo sa kompetisyon o ang manguna sa gawain at tanghaling ikaw ang pinakabanal sa lahat, kundi ang pagbutihin natin ang ating gawain iniatang sa ating balikat. Ang pagiging tanyag na cristiano ay hindi ang marami tayong gawain o position kundi ang maging modelo ang ating pagsunod at mapagtagumpayan ang mga pagsubok na ating daraanan.

Si Menachem Schneerson ay isang tanyag na Rabbi sa Brooklyn at sa edad na 80 anyos ay kaya pa niyang tumagal ng mahabang oras sa pagpapayo sa libo-libong mga tao na lumalapit sa kanya. Tinanong siya ng isang reporter, "Papaano mo nagagawa ang magpayo sa napakaraming tao sa loob ng isang araw ng hindi ka napapagod? Sinagot siya nito, " Kung nagbibilang ka ba ng diamante, mapapagod ka ba?"

Tayo po ay mga diamante ng Diyos. Mahal tayo ng Diyos. Kahit sino ka man mahalaga ka sa Diyos. Kaya ang maging lingkod ng lahat at hindi ang mag-isip na ikaw ang higit na Pinuno at wala ka nang ginagawa, hindi mo man lang maipanalangin ang bawat miyembro at sinisilip mo pa ang iba na nagpupunyagi para sa kapakanan ng maraming mananampalataya at para marami ang maabot na mga kaluluwa ay balewala ang iyong pagiging pinuno. Maraming diamanteng dapat abutin at ibalik sa relasyon sa Diyos. Hindi tayo mawawalan ng gawain dahil napakalawak ng ubasan ng Diyos. Sinabi ni Hesus, "Kung gusto mong maging dakila ay matutuo kang maging lingkod ng lahat."

BACK | HERALDS | NEXT